Puno ang kalsada ng nagtitinda. May kakaibang amoy. Masikip na daanan, at lubhang mabagal na usad ng sasakyan. Iyan ang dating makikita kung tayo ay pupunta sa Divisoria at Carriedo. Ngunit sa tulong ng bagong halal na mayor ng Maynila na si Isko Moreno, nilinis nito at binigyan ng bagong anyo ang mga lugar na ito.
Dugyot Na Lugar
Hindi maikakaila na ang lugar ng Divisoria At Carriedo sa lungsod ng Maynila ang dalawa sa pinakamasikip na at maruming lugar sa buong lungsod. Punong puno ito ng mga ambulant vendors o mga tindero sa tabing kalsada na umookupa ng dapat sana’y daanan ng mga sasakyan.
Talamak din dito sa mga lugar na ito ang kriminalidad lalo na ang pagnanakaw at snatching. Dahil na rin sa sikip ng lugar at kawalan ng kontrol ng pamunuan dito, laganap dito ang mga snatcher, at mga taong humihingi ng lagay sa mga tindero’t tindera.
Bagong Mayor
Hindi pa man umiinit sa kanyang pagkakaupo bilang bagong alkalde ng lungsod, sinimulan na ni mayor Isko Moreno linisin ang kanyang nasasakupan. Ipinag-utos nito ang 48 hours clearing and obstruction operation sa dalawang pinakamasikip na lugar sa Maynila, ang Divisoria at Carriedo.
Bukod dito, naaresto rin ng kapulisan ang dalawang suspek na nahuling nanghihingi ng lagay mula sa mga vendors. Umamin ang dalawa na malaking halaga ang nakukuha nila sa paghingi ng kotong mula sa tindero sa Carriedo at Divisoria.
Bagong Anyo
Dahil sa ginawang operasyon sa dalawang lugar, makikitang malaki ang ipinagbago ng lugar. Maaliwalas na at hindi masikip ang kalye. Maging ang daloy ng trapiko ay gumaan na rin dahil hindi na nasasakop ng mga nagtitinda ang kalsada.
Naglagay rin ng asul na linya sa mga bangketa para limitasyon ng mga nagtitinda sa lugar. Ibig sabihin ay hindi maaaring lumampas ang kanilang mga puwesto sa asul na linyang iyon. Matapang ding sinabi ni Moreno na kung sakaling bumalik ang sikip at napunong muli ang Divisoria at Carriedo, ibig sabihin nuon ay tumatanggap din siya ng lagay.
Source: Facebook
0 Comments