Janitress na nagkaladkad sa isang Transgender sa Farmers-Araneta, nilaglag na!




Naglabas ng paha­yag ang pamunuan ng Far­mers Plaza hinggil sa iskandalong kinasangkutan ng isa nilang janitress na pinahiya at kinaladkad pa ang isang transgender nang pumasok ito sa isang comfort room ng nasabing establisimyento na mata­tagpuan sa Araneta Cen­ter, Quezon City.

Pero lumalabas na nilaglag ng pamunuan ang kanilang janitress na si Chayra Ganal sa insidenteng kinasangkutan nito laban sa transgender na si Gretchen Diez.

Sa pahayag ni Morriel Abogado, property gene­ral manager ng Farmers Plaza, humingi ito ng paumanhin kay Diez ganun­din sa LGTB community at sa publiko dahil sa naging aksyon ng kanilang janitress.

Tiniyak din nito na kanila nang iniimbestigahan ang insidente at magsa­sagawa ng kaukulang aksiyon. Ani Abogado, kanila na ring kinontak ang agency ni Ganal at hiniling na gumawa rin ng kaukulang aksiyon.

“We wish to clarify that handcuffing Ms. Diez was not the idea of Farmers Plaza management, nor was it done within our premises. We are unaware of the reason or basis why the police thought this was necessary at all,” pahayag pa ni Abogado.

Sinabi pa nito na personal na desisyon ni Ganal ang pagsasampa ng kasong unjust vexation laban kay Diez. “It was also Ms. Ganal that requested not to face the media because she had started to feel ill and had to be taken to a nearby hospital for check-up,” ayon pa sa statement ni Abogado.

Nabatid pa na nagkaayos na rin ang magkabilang panig pagdating sa himpilan ng pulisya.

Samantala, mariing kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang insidente na paglabag ani­ya sa ipinatutupad na ordinansa sa lungsod.
Ayon kay Belmonte, malinaw na nilabag ng Farmers Plaza ang Gender Fair Ordinance ng kanilang lungsod na layong protektahan ang karapatan ng mga miyembro ng LGBT+ nang wala itong inilagay na ‘All-Gender Toilet’ sa kanilang establisimyento.

Kasabay nito, ipinag-utos ng alkalde sa Business Permit and Licensing Department na siguradu­hing susunod sa lalong madaling panahon ang lahat ng mga business establishment sa Gender Fair Ordinance na pinatutupad sa Quezon City.
Binanatan naman ni Renato Reyes Jr., secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan, ang paghuhugas-kamay diumano ng Farmers Plaza sa insidente.
“Hoy Farmers Plaza, huwag kayong maghugas kamay. Hindi isyu kung direct employee nyo o hindi. Ang isyu ay nilabag nyo ordinansa ng QC. Hindi rin informed ang mga staff at employees ng mall. Lintek gagawin nyo pang palusot ang kontraktwalisasyon, di na nahiya!” tweet ni Reyes bilang reaksyon sa paha­yag ng Farmers Plaza. (Dolly Cabreza)

Post a Comment

0 Comments