Tulala si Lira na naglalakad sa gilid ng kalsada. Bumaba kasi ito sa jeep na sinakyan niya mula opisina. Kasalukuyan ay nasa sakayan siya ng jeep at bus pauwi diretso kanila. Ngunit sa kasamaang palad ay nadukutan ito ng pitaka, sa naunang jeep na kaniyang nasakyan.
Hindi niya ito namalayan at nagulat na lamang ito ng makita ang bulsa ng bag na may laslas na sa gilid. Dito marahil kinuha ng mandurukot ang pitaka niyang naglalaman ng lahat ng kaniyang pera at ATM card. Dahil hindi makapaniwala at gulat pa sa nangyari, pabalik-balik lang na naglalakad si Lira sa kalsada. Isip ito nang isip kung ano ang gagawin niya upang makauwi sa kanila.
Nais na lang sana niyang magpasundo sa kaniyang tatay, ngunit nalowbat na rin ang kaniyang celpon. Matagal na natulala si Lira dahil sa nangyari, pero dahil dumidilim na ay naisip niyang gumawa ng paraan upang makauwi.
May nakita siyang isang estudyante na nagtetext sa kalsada, nilapitan niya ito upang sana ay makitext.
“Hi, sorry kung bigla kitang kinausap. Huwag kang matakot sa’kin, hindi ako masamang tao. Tatanong ko sana kung pwede ba akong maki-text? Nadukutan kasi ako sa jeep, nalowbat na rin ako, itetext ko lang sana ang tatay ko para magpasundo,” wika ni Lira at ipinakita ang laslas niyang bag.
Dahil sa takot ay hindi agad siya pinansin ng estudyante.
“Kung gusto mo ay ikaw na lang po ang magtext, ibibigay ko po sa’yo yung number ng tatay ko,” magalang na sabi ni Lira, and medyo kinukulit na nito ang estudyante upang pumayag.
Nang masabi ito, agad naming may dumating na jeep at pinara ito ng estudyante. Hindi man lang siya nito pinansin o kinausap.
“Hay natakot siguro ‘yon. Akala niya siguro modus ako,” sambit ni Lira sa sarili.
Dahil wala ng makitang tao na maari niyang mahiraman ng celpon, at sa pag-iisip na baka wala rin pumayag na pahiramin siya, pumara na lamang ito ng jeep at kinausap ang drayber nito.
“Kuya! Kuya! Pasensiya ka na. Hihingi po sana ako ng tulong. Nanakawan po kasi ako, tatanong ko po sana kung pwede po akong makisakay. Please po?” pagmamakaawa ni Lira sa drayber ng jeep habang patuloy na pinapakita ang laslas ng kaniyang bag.
“Naku ineng, bagong modus ba ‘yan,” sagot ng drayber.
“Hindi po kuya, mabait po akong tao. Sige na kuya, please?” patuloy niyang pagmamakaawa.
At tulad ng estudyante, hindi rin pinansin ng drayber ng jeep si Lira. Ngunit kahit na ganoon ay pinilit pa rin niyang subukan na pumara ng jeep at bus upang makiusap. Paulit-ulit na sinubukan ni Lira na magalang na makiusap sa mga drayber ng jeep at konduktor ng bus kung maari ba itong humingi ng tulong na pasakayin siya ng libre upang makauwi sa kanila. At paulit-ulit din siyang hindi pinansin ng mga ito, sa dami rin kasi ng mga pasaherong nag-aabang ay hindi na nila magawa pang intindihan ang pakiusap ni Lira.
Gumagabi na at ilang jeep at bus na ang dumadaan ngunit hindi pa rin makasakay si Lira. Napanghihinaan na rin ito ng loob.
“Hay, bakit pa kasi ngayon pa nanakawan kung kailan nasa pitaka ko lahat ng pera?” nakasimangot na sabi ni Lira sa kaniyang sarili.
At kagustuhan ni Lira na makasakay na ay patuloy pa rin itong pumara upang makiusap, ngunit sa pgakakataon na ito na handa na siyang magbigay ng kahit anong pwede niyang ipalit sa libreng pamasahe.
“Kuya, nanakawan po kasi ako. Wala na po akong pera. Baka pwede po akong makisakay, ibibigay ko na lang po ‘tong lipstick ko. Pwede niyo po ‘tong iregalo sa girlfriend o asawa niyo!”
“Kuya, nanakawan po kasi ako. Wala na po akong pera. Baka pwede po akong makisakay. Iwan ko na lang po ID ko, isakay niyo lang po ako. Nagmamakaawa po ako!”
Ilang beses sinubukan ni Lira na makiusap sa mga ito, ngunit paulit-ulit lang itong hini-hindi-an. Hindi naman niya magawang magalit sa mga ito, naiintindihan naman niya baka iniisip rin nila ang kanilang kita o baka nag-iingat lang silang hindi maloko dahil marami na rin mga iba’t ibang modus ngayon sa kalsada.
Pilit inunawa ni Lira ang mga ito at unti-unti na rin siyang nawalan ng pag-asa. Handa na sana itong maglakad hanggang sa kanila dahil wala na itong maisip na paraan upang makauwi, nang biglang may lumapit sa kanya ang isang gusgusin na babae.
“Ate…” wika ng bata nang nilapitan siya nito.
Nagtataka naman ito sa bata, hindi niya mawari kung bakit siya nito nilalapitan. Naisip na nito na bak humihingi ito ng limos, at bago pa niya masabi na wala siyang per ngayon kaya patawad muna ay bigla na lang may inaabot sa kaniya ang dalaga.
“Ate, kanina pa kita nakikita diyan na nakikiusap makauwi. Halos dalawang oras ka na sa kalsada, nahihiya ako nung una na lapitan ka, kaso lumalalim na ang gabi,” sabi ng bata habang nilalapitan siya nito.
“Ate, eto po. Tanggapin niyo po itong bente pesos na nakuha ko mula sa panlilimos, para may magamit po kayong pamasahe. Hindi ko lang po sigurado kung kakasya po iyan, pero sana po ay makatulong,” patuloy na sabi ng dalagang gusgusin habng inaabot ang barya sa palad nito na nagkakahalagang bente pesos.
“Ay hala beh, ‘wag na. Mas kailangan mo ‘yan. Magagawan ko naman siguro ito ng paraan, maglalakad na lang ako pauwi,” sagot na Lira habang ibinabalik ang inaabot na barya ng dalaga.
“Okay lang po, ate. May nagbigay naman po sa akin ng biscuit kanina, nung nanlimos po ako sa jeep. Kaya busog na po ako. Matutulog na lang po ako nito, kaya hindi ko na po magagamit ‘yan ngayon,” wika ng bata.
“Hindi na. Sige na. Itabi mo na lang ‘yan,” sagot at pagpipilit naman ni Lira.
“Ate, kunin mo na po ito. Tulong ko po ‘yan sayo. Kung tutuusin nga po ay wala pa po ‘yan kung ikukumpara sa mga barya at pagkain na naitulong niyo na po sa akin,” wika ng gusgusing dalaga.
Nagtaka si Lira sa kaniyang narinig, hindi nito maintindihan ang sinasabi ng dalaga. At nang makita ng dalaga ang pagtataka sa mukha ni Lira ay agad niyang ikinwento na siya ang babaeng lagig bibigyan ni Lira ng limos at pagkain sa tuwing manglilimos ito sa jeep. Mula pa pala noong maliit siya, at nag-aaral pa lang ng kolehiyo si Lira ay ilang beses na itong nabigyan ni lira ng limos, na kahit hanggang ngayon ay ginagawa pa rin ni Lira sa kanya.
At dahil sa pakalat-kalat ang pulubing dalaga ay napadpad sa lugar na kinaroroonan niya ngayon, at nang makita at makilala niya si Lira na nagmamakaawang makauwi dahil ito ay naankawan, ay naisip na niyang ibigay ang baryang nakolekta upang makatulong.
Hindi naman makapaniwala si Lira sa nalaman. Hindi rin kasi ito matandain sa mukha, pero alam naman niya na sa tuwingmay nanglilimos sa nasasakyan niyang jeep ay binibigyan niya ang mga ito ng paunti-unting barya.
“Baka po dinala po ako ng tadhana sa lugar na ito, upang makita kita at matulungan kahit sa munti ko pong paraan. Kulang pa po ‘yan sa lahat ng pasasalamat na nais ko pong iparating sa iyo. Ang bawat piso o pagkain po na lagi pong bukal sa puso niyong ibinibigay sakin ay nag-iiwan po ng pag-asa at pagmamahal sa aking puso,” naiyak na sabi ng dalagang pulubi.
“Kaya tanggapin niyo po iyan,” dagdag nito.
Sa pagkakataong ‘yon ay hindi na napigilan ni Lira ang pagpatak ng kaniyang luha. Lubos na mapagmahal ang kapwa, mayroon man ito o wala. At dahil napakabuti ng pulubi sa kaniya ay tinanggap niya ito, at walang sawang pinasalamatan ang walang-wala na pulubi ngunit buong puso syang tinulungan nito.
Nanghiwalay ang dalawa na parehas na may malaking ngiti sa kanilang mga mukha. At makalipas lang ang ilang linggo, ay muling nakita ni Lira ang pulubing dalaga na tumulong sa kaniya. Hindi na niya pinalagpas pa ang pagkakataon, niyaya niya ang pulubi na kumain sa labas at binilhan niya ito ng damit bilang pasasalamat sa tulong na buong pusong ibinigay nito kay Lira, noong siya ay pinakanangangailangan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!
Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.
Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.
0 Comments